Rakista Dreams

Pangarap ko talagang maging rockstar noong hayskul. Pantasya kong maging gitarista sa isang banda, at kami raw ‘yung bandang hindi sobrang sikat, pero hindi rin naman nakabaon sa kaibuturan ng “who u.” Sakto lang. Sapat lang.

Marunong akong maggitara pero hindi ako mahusay. Sabi sa mga nababasa kong magazine dati, hindi rin daw technically mahusay ang Eheads noong nagsisimula pa lang sila. Pinanghawakan ko ‘yun, baks. Kasi ibig sabihin, hindi ko rin kailangang maging henyo bago ako maging legit na musikero.

Pero napapaligiran ako noon ng mga batang henyo. Ang dami kong ka-eskwela na mahusay sa gitara, sa violin, sa cello, pati sa kudyapi at sa kulintang. At sa tantya ko, sila ‘yung mga batang sadyang ipinanganak na mahusay. Gifted, kumbaga.

Minsan isang gabi, habang nag-eensayo ako sa dorm gamit ang gitarang hiniram ko lang kung kanino, may narinig akong tumutugtog ng “Ikaw Lamang” ng Silent Sanctuary. Present lahat ng instrumento, may flute pa nga yata e, tapos cajon sa halip na drums. Ang ganda ng tunog, parang propesyunal na saliw.

Maya-maya, minash-up nila ‘yung “Ikaw Lamang” sa “Mata”ng Mojofly. May babae at lalaking kumakanta at ang sarap sa tenga ng harmony. Hindi mo aakalain na mga totoy at nene lang ‘yung tumutugtog kasi pucha, pare, ang husay talaga.

Nanliit ako. Heto ako’t tinitiis ‘yung kirot ng lecheng B minor habang d’un sa kabilang cottage may umu-orkestra. Panis, ‘teh. So ang ending: nauwi na lang ako sa pagtugtog sa kwarto mag-isa, walang ka-banda, wala ring kasama.

Sana may twist ang kwentong ito, pero wala e. Pagdating sa college, wala ni isa sa circle ko ang mahilig magbanda. Pero nanatiling buhay ang rockstar dreams ko. Noong college, sa wakas, nakabili na rin ako ng sarili kong instrumento. Gitarang acoustic, cheapipay lang kaya sobrang taas ng lintek na string action.

Pagdating ko sa huling taon, kinapalan ko na ang mukha ko. Niyaya ko ‘yung isang kakilala ko sa FA na magbanda. Nagkawatak-watak kasi ‘yung dati niyang banda at ako naman, #oportunista.

“Tayo na lang magbanda, mars,” sabi ko kay B. “Magbigay ka ng kanta, aaralin ko.”

Game siya. Applause* daw ni Lady Gaga, tas may binigay siyang YouTube link para sa areglo. Game na game ako. Nagpapraktis ako noon sa isang sulok sa Vinzons nang marinig ako ni MC. Metalhead ‘tong si MC, philo major na nakilala ko lang din sa klase. Hindi kami close kaya nagulat ako nang sinabayan niya ako. May dala rin siyang gitara noon.

“Jols, ganito gawin mo,” sabi niya sa akin, tas may dinemo siyang chord sa gitara. “Mas madaling maglipat-lipat ng tunog ‘pag ganito,” dagdag niya. Kay MC ako natuto ng power chords. Rak. 🤘 

Kaya lang huling taon na ito. Busy ang mga tao sa thesis, naging busy rin ako sa dyaryo, may election coverage pa, may budget deliberations sa Kongreso — basta maraming ganap. Hindi kami natuloy nina B kasi hindi nagtugma ang mga free time namin. Sayang.

Minsan tumambay si D sa bahay. Si D ‘yung tropa kong tumutugtog ng kudyapi. Sinubukan niyang baguhin ‘yung tono ng gitara ko nang biglang napigtas ‘yung isang string. Natigilan ako n’ung marinig ko ‘yung “ting!” Nagkatinginan kami ni D.

“Sorry Jolens!!!” sabi niya. Halos mamutla si gago, pero agad rin namang humupa ang gulat ko.

“Okay lang,” sabi ko. “Hindi ko na rin naman ‘yan magagamit.”

At hindi ko na nga ito nagamit. Binigay ko na lang kay D ‘yung gitara bago ako umalis sa Pinas. Hindi na rin nakapagbanda si B sa pagkakaalam ko. Si MC naman, nag-aaral na ng Law.

Matagal na akong wala sa bansa. Matagal ko na ring sinukuan ang pangarap kong maging rakista. Tumutugtog pa rin naman ako paminsan. Marunong, pero hindi pa rin magaling. At gaya pa rin ng dati, sa kwarto lang mag-isa, at hanggang ngayon, wala pa ring ka-banda.


Sa Stereogum ko nakuha ang featured image. Litrato ‘yan ni Jenny Lee Lindberg, bahista ng Warpaint. Ang ganda niya ‘no?

*Binago ko ang kanta at baka matukoy ako ni B rito, haha.

5 thoughts on “Rakista Dreams”

  1. Tagal ko na gusto mag-comment dito pero di ko talaga alam sasabihin other than “YEAAAH! Still not too late to pursue those dreams!” Naisip ko sina BP Valenzuela at Reese Lansangan. Hanapin mo yung Mean Girls song ni Reese Lansangan, gusto ko yun. Janis Ian dyke, janis ian dyke—-pero ngayon mas matitibo ka kay Lizzy Caplan kesa kay Lindsay Lohan.

    Ako pag naggigitara ako, The Shaggs ang iniisip ko tapos na-iinspire na ako. Search mo music at kwento nila (syempre, joke ito pero search mo pa rin). Pero mahirap magsolo. Magastos din kasi bibili ka ng mga gadgets, altho OK din daw magrecord sa IPhone. Tapos, ayun sarili mo lang ang ka-jam mo.

    Pero salamat dito dahil nagka-interes ako sa Warpaint. All girls pala sila. Astig ng pangalan. Ngayon ko lang naisipang i-search si Jenny Lee. Siguro kasi automatic plus 100% gwapo/maganda ka pag kasali ka sa banda, kaya nag-atubili ako. Pero mukhang cutipie naman talaga itong si Jenny. Tapos nakita ko na dating drummer nila si Shannyn Sossamon—and I was like “R U effin’ kidding me?”—na kapatid pala ni Jenny Lee.

    Walang duda maganda sila pareho. Insta-proud din kasi may dugong Pinoy daw sila.
    Check ko music nila sa weekend. Pero sana magustuhan ko talaga music nila.
    Again, (but don’t look back in anger, don’t look back in anger) it’s not too late. Sally can wait.

    Liked by 1 person

    1. I assure you, rAdish, hindi mo magugustuhan ang Warpaint. Char, haha. Prinomote ko sila sa friends ko dati e, walang ni isang nagkagusto. Masyado raw pa-hipster. Pero malay natin baka mahilig ka rin sa mga ganyang psychedelic na tunog. Think Kid A pero distinctly feminine, ganern.

      Sinearch ko The Shaggs. Maaaars ang funny ng YouTube comments! Hahahahaha.

      Actually at this point mas posible pa yatang makapagsulat ako ng nobela kaysa makapag-record ng kanta. ‘Yung writing kasi ay primarily solitary endeavor e. Pero music production? Bukod sa gadgets, kailangan mo rin ng musical instinct at technical knowledge. At batay sa level of skill na meron ako, alam kong hindi ko ito maitataguyod nang mag-isa. (Though maybe I could aim for The Shaggs’ level of notoriety? Hmm.)

      Pero balik tayo sa Warpaint, haha. Nahanap ko yata sila dahil kay Shannyn. Panood mo ‘yung ‘Wristcutters’? Nagustuhan ko ‘yun, kaya nalaman kong drummer din si Shannyn. Gusto ko ‘yung ganda nila ni Jenny Lee — ‘yung gandang madungis. Disheveled chic ba, haha.

      Anyhoo, balitaan mo ‘ko kung magustuhan mo man o hindi ang Warpaint!

      PS. ‘Yang kantang ‘yan ng Oasis — ‘tang ina ‘yan kahit kailan e! Nanakit ng feelings e! 😭

      Liked by 1 person

      1. Hmm, listening to Majesty now. Medyo gusto ko siya, at yung Stars (pero yun pa lang napapakinggan ko at yung Dico/Very sa mga newer stuff nila, yun di ko gusto). Okay din diversion sa playlist ko. Para maiba naman. Siguro mas magugustuhan ko yung early stuff nila kesa dun sa bago. Magaling mag-bass si Jenny Lee. Not really paying attention sa lyrics. Hehehe

        Liked by 1 person

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s